Sunday, June 28, 2020

Showbiz personalities sanib-puwersa sa pagtutol sa anti-terror bill

MAYNILA — Nagkaisa ang sangkatutak na showbiz personalities para ipahayag ang kanilang pagtutol sa kontrobersiyal na panukalang batas na anti-terrorism law. Sa isang pambihirang pagkakataon, nagkaisa ang mga prinsesa ng showbiz na sina Kathryn Bernardo, Liza Soberano, at Nadine Lustre para manindigan laban sa anti terrorism bill. Pinost ng tatlo ang kanilang saloobin sa kanilang social media accounts gamit ang #JunkTerrorBill. Nabatikos ang panukalang batas dahil sa mga aspeto ng warrantless arrest at wiretapping ng mga suspected terrorists. Ayon sa mga kritiko, banta din ito maging sa mga lehitimong puna laban sa gobyerno. "Please do not take away our voices, our basic human rights!", ayon sa post ni Soberano. Sina Bernardo at Lustre naman, nagbahagi ng imahe ng pagbasura sa panukalang batas.
Nagkaisa din ang mga Miss Universe na sina Catriona Gray, Pia Wurtzbach, at Gloria Diaz laban sa isyu. Ayon kay Gray, kailangan ding suriin ng mga mamamayan ang isyu para makita ang panganib nito sa kalayaan. Pinost din niya ang paninindigan ng National Union of Journalists of the Philippines sa kontrobersiya. "If a law to fight terrorism is to be contemplated, let the respect and defense of human rights be the paramount consideration." Iginiit naman ni Wurtzbach na kahit di siya kilala sa mga politikal na isyu, kailangang magsalita sa pagkakataong ito sa isang bagay na banta sa mga mamamayan. "Sa lahat ng nangyayari ngayon sa Pilipinas at sa mundo.. overwhelming. 'Di ba? Parang di mo alam kung maiiyak ka o magagalit. Parang pakiramdam mo minsan powerless ka. Parang sasabog 'yung puso mo. 'Yung feeling na parang may gusto kang sabihin. May kailangan kang sabihin," sabi ng beauty queen. Natatakot naman si Diaz sa aniya'y ilang gray area o malalabong bahagi ng panukalang batas na maaaring maging labag sa karapatang pantao. Dumagdag na rin si Angel Locsin sa nagpahayag ng oposisyon sa panukalang batas sa pagsali niya sa social media protest campaign na #JunkTerrorBill. Gayundin si Anne Curtis na ikinabahala ang paggamit ng malabong interpretasyon ng ilang probisyon ng bill para kuwestiyunin maging ang tahimik na pakikibaka. Ayon sa Palasyo, hindi labag sa bill of rights ang Anti-Terrorism Act of 2020. Giit din nilang 4 na taon na ring nakabinbin ang panukalang batas sa Kongreso at kailangan nang pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sunday, June 21, 2020

Paano palakasin ang immune system

  • Ang “immune system” ay ang depensang ating katawan laban sa sakit, impeksyon at virus tulad ng coronavirus. Ito din ay tumutulong sa mabilis na muling paggaling mula sa karamdaman. Umaatake ito sa mga virus, bacteria, fungi at ibang “pathogens” o mga organismong nagsasanhi ng sakit.  Ang mga taong mababa ang immune system, kagaya ng sa mga may kaso ng malnutrisyon, ay mas madaling kapitan ng sakit at magkaroon ng mga komplikasyon.  Isa sa mga sintomas ng pagkakaroon ng mahinang immune system ay ang madaling pagkakaroon ng impeksiyon gaya ng bronchitis, pneumonia at ang napapanahong covid-19.
Ang pagkain ng balanseng diet ay isa sa mga paraan upang palakasin ang ating immune system.

Anu-ano nga ba ang mga pagkaing kailangan nating piliin?
  • Pagkaing mayaman sa protina –  Ang protina ay kailangan sa paggawa ng antibodies ng katawan na siya namang lumalaban sa mga pathogens.  Kailangan din ito sa pag-repair ng mga cells at tissues na maaring nasira ng sakit.  Piliin ang mga pagkaing may mataas na uri ng protina pero mababa sa “fats” gaya ng chicken breast (petto di pollo), turkey (tacchino), at egg white; mga seafoods gaya ng tuna (gaya ng yellow fin tuna o pinna gialla) at pugita/squid (polipo); mga karneng salume Italiano gaya ng Bresaola at Prosciutto crudo (tandaang mataas ang mga ito sa sodium at dapat kainin ng moderasyon ng mga taong umiiwas sa pagkain ng maalat kagaya ng mga may sakit sa puso).

Pagkaing mayaman sa vitamins at minerals – Ugaling kumain ng prutas at gulay araw-araw. Nirerekomenda ng mga eksperto na ang kalahati ng ating plato ay dapat ilaan sa gulay (higit na malaking parte kaysa sa hiwa ng karne at kanin o tinapay). Ang mga prutas at gulay na mayaman sa antioxidants, bukod sa vitamins at minerals, na makakatulong sa immune system ay: broccoli, bellpepper, bawang, luya, spinach, kiwi, citrus fruits (orange, mandarines), at berries. Ang nuts gaya ng sunflower seeds (semi di girasole), almonds (mandorle), at hazelnuts (nocciole) ay mataas din sa Vitamin E na nakakatulong labanan ang trangkaso (flu) at iba pang upper respiratory infections

Paginom ng sapat na tubig sa bawat araw – ang tubig ay tumutulong upang ilabas ang mga toxins sa katawan. Maaring haluan ito ng lemon upang madagdagan ng Vitamin C. Ang pag-inom ng green tea ay may mga benebisyo ding pang detoxification. Ang karaniwang rekomendasyon ay ang pag-inom ng 8 baso (8oz na baso) ng tubig bawat araw.
Bukod sa pagkain ng maayos at sapat ang ilan pang hakbang maari nating gawin upang mapangalagaan at palakasin ang ating immune system ay ang pananatili ng good hygiene (paghuhugas ng kamay), exercise, sapat na tulog, pag-iwas sa paninigarilyo at pag-inom ng sobrang alak, at pananatili ng tamang timbang. Hindi natin maiiwasan na makasagap ng mga organismong nasa paligid natin, pero maari nating tulungan ang ating katawan na maging malakas upang kalabanin ito at sa ganung paraan matigil ang pagkalat din nito sa iba pang tao