Sunday, June 28, 2020

Showbiz personalities sanib-puwersa sa pagtutol sa anti-terror bill

MAYNILA — Nagkaisa ang sangkatutak na showbiz personalities para ipahayag ang kanilang pagtutol sa kontrobersiyal na panukalang batas na anti-terrorism law. Sa isang pambihirang pagkakataon, nagkaisa ang mga prinsesa ng showbiz na sina Kathryn Bernardo, Liza Soberano, at Nadine Lustre para manindigan laban sa anti terrorism bill. Pinost ng tatlo ang kanilang saloobin sa kanilang social media accounts gamit ang #JunkTerrorBill. Nabatikos ang panukalang batas dahil sa mga aspeto ng warrantless arrest at wiretapping ng mga suspected terrorists. Ayon sa mga kritiko, banta din ito maging sa mga lehitimong puna laban sa gobyerno. "Please do not take away our voices, our basic human rights!", ayon sa post ni Soberano. Sina Bernardo at Lustre naman, nagbahagi ng imahe ng pagbasura sa panukalang batas.
Nagkaisa din ang mga Miss Universe na sina Catriona Gray, Pia Wurtzbach, at Gloria Diaz laban sa isyu. Ayon kay Gray, kailangan ding suriin ng mga mamamayan ang isyu para makita ang panganib nito sa kalayaan. Pinost din niya ang paninindigan ng National Union of Journalists of the Philippines sa kontrobersiya. "If a law to fight terrorism is to be contemplated, let the respect and defense of human rights be the paramount consideration." Iginiit naman ni Wurtzbach na kahit di siya kilala sa mga politikal na isyu, kailangang magsalita sa pagkakataong ito sa isang bagay na banta sa mga mamamayan. "Sa lahat ng nangyayari ngayon sa Pilipinas at sa mundo.. overwhelming. 'Di ba? Parang di mo alam kung maiiyak ka o magagalit. Parang pakiramdam mo minsan powerless ka. Parang sasabog 'yung puso mo. 'Yung feeling na parang may gusto kang sabihin. May kailangan kang sabihin," sabi ng beauty queen. Natatakot naman si Diaz sa aniya'y ilang gray area o malalabong bahagi ng panukalang batas na maaaring maging labag sa karapatang pantao. Dumagdag na rin si Angel Locsin sa nagpahayag ng oposisyon sa panukalang batas sa pagsali niya sa social media protest campaign na #JunkTerrorBill. Gayundin si Anne Curtis na ikinabahala ang paggamit ng malabong interpretasyon ng ilang probisyon ng bill para kuwestiyunin maging ang tahimik na pakikibaka. Ayon sa Palasyo, hindi labag sa bill of rights ang Anti-Terrorism Act of 2020. Giit din nilang 4 na taon na ring nakabinbin ang panukalang batas sa Kongreso at kailangan nang pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

No comments:

Post a Comment